Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay ginugunita tuwing buwan ng Agosto bilang pagdiriwang na sumasalamin sa mayamang kasaysayan, kultura, tradisyon, at identidad na nagsisilbing sagisag ng ating pagka-Pilipino. Ang tema ngayong taon na ‘Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa’ ay nagpapaalala sa atin na ang Wikang Filipino at Katutubong Wika ay may makapangyarihang papel sa pagkakaisa at pagkakabuklod ng sambayanan, kung saan mas lalo nitong pinatitibay ang ating pambansang pagkakakilanlan at pagpapahalaga sa sariling wika. Hinihikayat tayo nitong gamitin, linangin, at ipalaganap ang ating sariling wika bilang tulay ng pag-unlad at pagkakaunawaan sa gitna ng ating pagkakaiba-iba.
Tunay nga, na ang Wikang Filipino at Katutubong Wika ang nagsisilbing daan at boses sa Kalayaan- Kalayaan na sa bawat salitang binibigkas natin ay nagbibigay boses at diwa ng pagka Pilipino, isang diwang may pagmamahal sa kapwa, takot sa Diyos, may malasakit sa Bayan at Kapaligaran, at higit sa lahat may pangarap sa Bansang Pilipinas sa mas maunlad na kinabukasan.









